Sila ang mga sign language interpreter na mapapanood sa ibabang bahagi ng screen kasabay ng mga balitang ibinabahagi ng ABS-CBN News anchors at reporters.
Isa sa mga Filipino sign language interpreter ng ‘TV Patrol’ si Febe Sevilla na dating guro ng deaf community.
Para kay Sevilla, naging malaking tulong sa komunidad ang pagpasa ng Republic Act No. 11106 na nagtatakda sa Filipino Sign Language na pambansang sign language.
Minandato din nito ang pagsalin sa sign language ng balitaan sa telebisyon.
Ani Sevilla, naging pagkakataon ang COVID-19 pandemic para maisakatuparan ito at maintindihan ng mga Pinoy deaf ang nangyayari sa lipunan.
Tumulong din ang teknolohiya gaya ng videoconferencing para mapadali naman sa interpreters na makabahagi sa newscasts.
Sa ganitong paraan, mas naipapakita ng media industries ang pagiging inklusibo sa iba’t ibang miyembro ng lipunan ng bansa, sabi ni Mariah Agbay, pangulo ng Philippine Federation of the Deaf.
Ginugunita ang International Day of Sign Languages tuwing Setyembre 23.
– Ulat ni Ganiel Krishnan, Patrol ng Pilipino
Take the opportunity to connect and share this video with your friends and family if you find it useful.