Sa CCTV na ipinakita ng Binangonan PNP sa ABS-CBN News, makikita ang dalawang suspek na nakajacket at nakahelmet na pumasok sa convenience store.
Maya-maya pa, tinutukan na ng isa sa suspek ang biktima na si “Mark” at sabay nagdeklara ng holdap.
/”Sinabihan ako, ‘Pre, holdap to.’ Tapos kapit sa balikat at tutok sa taligiran sabay kasa. Nagulat po ako. Naisip ko, pambihira, nagtatrabaho ako dito, nakikipaglaban ako ng patas sa buhay. Naisip ko – mamamatay ba ako na walang dahilan, mapuputukan ako na walang dahilan?/”
/”Sabi ko bahala na, ‘Kayo na po bahala, Ama ko.’ So linabanan ko na po, sinugal ko na,/” aniya sa panayam sa ABS-CBN News.
Ani Mark, hindi maiputok ng suspek ang baril dahil ipinasok niya ang kanyang daliri sa gatilyo sabay baluktot ng kamay ng kawatan.
/”Tapos nung alam ko wala na siyang pwersa, saka ko siya inumbagan,/” aniya.
Pinagsusuntok ng biktima ang suspek hanggang sa humandusay sa sahig ang kawatan.
Dun naman sumaklolo ang isa pang holdaper at hinampas ng bote sa ulo ang biktima, bago nagmadaling tumakas.
Nagtamo ng mga sugat sa kamay, braso at ulo ang biktima. Namukhaan din niya ang isa sa mga suspek matapos maalis ang face mask nito, na siyang naging daan para matunton ng mga pulis ang isa sa holdaper.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Eduardo Balita, officer-in-charge ng Binangonan PNP, sinampahan na ng reklamong robbery holdup at physical injuries ang isa sa mga suspek habang pinaghahanap pa nila ang isa.
Napag-alaman din ng pulisya na may mga nakabinbin ding iba pang kaso na robbery holdup ang suspek.
/”Sabi nga ng ating imbestigador, minor pa lang ito ano na medyo may record na rin at talagang ito ang linya nya yung panghoholdap ng convenience store,/” ani Balita.
Ginawaran ng parangal ng Rizal Provincial Police si “Mark” dahil sa kanyang katapangan. Dati rin siyang criminology student at may training sa martial arts, pero napilitang tumigil sa pag-aaral para pansamantalang magtrabaho para sa lola na may sakit.
Sa kasamaang palad ay namatay pa rin ang kaniyang lola at kalilibing lamang kahapon.
“Buti na lang po kahit papaano naging criminology student po ay naging wushu athletic din po ako. May karanasan din po ako sa self-defense kaya hindi po ako masyado napuruhan./”
May paalala naman ang PNP sa publiko, lalo na sa mga walang karanasan o kaalaman sa wastong self defense tactics, sakali mang sila ay maharap sa ganitong sitwasyon.
/”Voluntarily ibigay na nila, then magiging vigilant sila. Tandaan kung may pagkakakilanlan, tattoo, itsura, build, para ang kapulisan natin meron silang pagkukuhanan ng investigation. maging maingat nalang tayo./”
Nag-aalok naman ng 10,000 pisong pabuya ang Antipolo PNP sa sinumang makakapagturo o makakapagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng isa pang suspek.
Subscribe to the ABS-CBN News channel! – http://bit.ly/TheABSCBNNews
Watch full episodes on iWantTFC for FREE here:
http://iwanttfc.com
Visit our website at http://news.abs-cbn.com
Facebook: https://www.facebook.com/abscbnNEWS
Twitter: https://twitter.com/abscbnnews
Instagram: https://www.instagram.com/abscbnnews
Take the opportunity to connect and share this video with your friends and family if you find it useful.